Buwan ng Wika 2017 tema: “Filipino: Wikang Mapagbago”
Buwan ng Wikang Pambansa 2017
Ang “Buwan ng Wika” ay isa sa mga inaantabayanang kaganapan sa lahat ng paaralan, mapa-elementarya, sekondarya, at maging sa kolehiyo kada taon. Ayon sa Komisyon ng Wikang Filipino (KWF), ang tema ng pagdiriwang ngayong Agosto 2017 ay “Filipino: Wikang Mapagbago.”
Ayon sa Memorandum #58 s. 2017 ng Department of Education, maaaring gamitin ng mga paaralan ang mga sumusunod na sub-tema sa pag-oorganisa ng kanilang mga gawain:
1) Wikang Filipino, Susi sa Pagbabago
2) Pangangalaga sa Wikang Katutubo, Pagpapayaman sa Wikang Filipino
3) Wikang Filipino: Wika ng Maka-Filipinong Saliksik
4) Pagsasalin, Mahalaga sa Bago at Mapagbagong Karunungan
Ang pagdiriwang ng Buwan ng Wika ay kinatatampukan ng iba’t ibang patimpalak gaya ng sabayang pagbigkas, paglikha ng jingle, pagsulat ng sanaysay, paggawa ng slogan at poster, pagtatalumpati, at iba pa.
Komentaryo hinggil sa tema:
Ang temang “Filipino: Wikang Mapagbago” ay naaakma hindi lamang dahil sa ito ang nagsisilbing mantra ng kasalukuyang administrasyon. Ito ay dahil na rin sa katotohanang ang wikang Filipino ay patuloy na yumayaman dahil na rin sa mga pagbabago sa ating lipunan.
Maraming bagong salita ang nadadagdag sa ating bokabularyo taon-taon. Kabilang na dyan ang mga salitang tumutukoy sa mga imbensyon at gadgets (halimbawa, “IPhone” at “laptop”) at mga salitang hiram mula sa mga lokal at internasyunal na wika (halimbawa, ang mga salitang “bisexual” at “transgender”).
Ang “Google” nga na dati ay pangalan lang ng isang kumpanya sa Estados Unidos, ngayon ay ginagamit na bilang isang pandiwa na tumutukoy sa pagsasaliksik ng impormasyon gamit ang Internet. Paliwanag ng Linguistic Society of America, ang mga wika saan man sa mundo ay patuloy na nagbabago at umuunlad kaalinsabay sa pangangailangan ng mga gumagamit nito.
[scribd id=350981698 key=key-1h182zcgJj6UxCtZiCMV mode=scroll]
“Like” The Filipino Scribe on Facebook!